Magasin - Eraserheads

Ang Magasin ay isa sa marami kong paboritong kanta mula sa Eraserheads. Ito ay tungkol sa isang lalaking nakita ang dati niyang kasintahan sa isang magasin at nagulat sa laki ng binago ng babae. Ngayo’y ito’y nagsisisi dahil hindi niya siya pinanindigan at nasayang ang pagkakataon. Sa kaniya na sana ang magandang babaeng ito at parte ng isang maginhawa at magandang buhay ngunit ngayon, kapos siya sa pera kahit mabili lang ang magasin. Ngunit mukang may iba pang sikretong tinatago ang magasin na ito.
Kung titingnan ang kanta sa isang feminisitang pananaw, makikita na marami sa sinasabi ng kanta ay lumalabag sa mga itinatangkilik ng feminismo. Sa simula pa lang ay makikita na ito;
“Tinawanan pa kita
Tinawag mo 'kong walang hiya
Medyo pangit ka pa noon”
Noong kasintahan pa ng lalaki ang babaeng nasa magasin, hindi niya ito binigyan ng respeto. Hindi niya inisip na kaya niyang sumikat, at dagdag pa rito, ininsulto pa niya siya.

Kahit sa chorus ng kanta ay makikita ang hindi pagsunod sa feminismo.
“Sana'y hindi nakita
Sana'y walang problema pagka't kulang ang dala kong perang
Pambili, pambili sa mukha mong maganda”
Ipinapakita ng mga linyang ito na parang bagay lang ang babae, na para makuha siya ng lalaki, pwede lang niyang idaan siya sa pera.

Ipinakita rin sa kanta na ang interes lang ng lalaki sa babae ay ang kaniyang mga pisikal niyang katangian, ang kaniya katawan. Wala siyang paki sa pagkatao nito. Makikita ito sa bandang huli ng kanta;
“Bastos pala ang pamagat
Dalidaliang binuklat
At ako'y namulat sa hubad na katotohanan”

“At sana sa susunod na isyu
Ay centerfold ka na”
Bagaman maraming bahagi ng kanta ay lumalabag sa feminismo, may ilang bahagi naman na maaring sabihin na sumusunod dito. Isang halimbawa ay noong tinawag na “walang hiya” ng babae ang lalaki ng siya’y tinawanan at ininsulto at pinili niyang iwanan siya. Ipinapakita rin ng kanta na maari ring umunlad sa buhay ang mga babae;
“Rumarampa sa entablado
Damit na gawa ni Sotto
Siguro'y malapit ka na ring sumali
Sa Supermodel of the Whole Wide Universe”
Ngunit ang tagumpay na ito ay hindi absolutong sumusunod sa feminismo dahil ang paraan ng kaniyang pag-unlad sa buhay ay isang skandalo. Ginamit ng babae ang kaniyang katawan upang sumikat at makilala. Ang paraan na ito ay sumusuporta lamang sa ideya na hanggang katawan lang talaga ang halaga ng mga babae at hindi nila kayang gamitin ang kanilang mga abilidad at kakayahan upang umunlad o mangibabaw sa buhay. Kaya sa kalahatang pagtingin sa kantang “Magasin,” hindi talaga ito sumusunod sa feminismo.

Carlos Oxales
F2012

No comments:

Post a Comment