Overdrive - Eraserheads

Ang kantang “Overdrive” ay isang komposisyon na tinugtog ng bandang Eraserheads para sa album na Cutterpillow. Isinulat ni Ely Buendia, kasapi ng nasabing grupo, ang kantang ito noong taong 1995. 

Kung susuriin sa pormalismong pamamaraan ang akdang ito, marami tayong makikitang mga bagay. Sa mga liriko ng kantang ito, sinasabi ng tauhan na gusto niyang maglakbay patungo sa iba’t-ibang lugar sa bansa o sa labas man nito. Sa simula ng kantang ito, nangangarap siya na sana ay makarating sa Baguio, sa Bicol o sa Batangas sa pamamagitan ng pagmamaneho. Sinabi niya na gusto niyang “mag-roadtrip” kasama ang kanyang kasintahan, ang kanyang aso, o kahit sino man na gustong sumama sa kanya dahil kagustuhan talaga ng taong ito na lumabas at pumunta kung saan-saan. Sa mga linyang nabanggit, masasabing maraming pangarap sa buhay ang tauhan, ngunit wala pa siyang kapasidad upang tuparin ang kanyang mga kagustuhan.

Sa ikalawang saknong ng kanta, pinaparating ng tagapagsalaysay na magdadala siya ng kung anu-anong pagkain tulad ng burger, fries, tapsilog, at siopao. Sinabi niya rin dito na gusto niyang pumunta ng Visayas. Sa saknong na ito, lumalalim na lalo ang kanyang mga hiling. Kung dati ay sa isla lamang ng Luzon ang gusto niyang lakbayin, ngayon ay pati ang mga isla ng Visayas ay nais niyang puntahan. Sa parte ng kantang ito, nangangarap na rin siyang kumain ng mga pagkain mula sa mga lugar na kanyang pinuntahan. 

Makalipas ang pangangarap na makapunta sa dalawang kilalang lugar sa Pilipinas, ninais na niyang puntahan ang natitirang lugar dito na hindi pa niya nararating; ang Mindanao. Sa saknong na ito, mas lalo pang tumindi ang kanyang mga pangarap. Dagdag pa rito, ang kanilang “road trip” ay naging “food trip” pa, kung saan titikman nila ang mga putahe na pangunahing produkto ng lugar na kanilang pupuntahan. Kung noon ay papunta lamang sa mga probinsya, patungo sa ibang parte ng Pilipinas, ngayon ay nangangarap na siyang makapunta sa buwan. Dito makikita ang pagiging desperado ng tauhan na magmaneho at maglakbay. Dahil nga wala naman siyang lisensya para magmaneho ng sasakyan, hindi niya matupad ang kanyang mga pangarap. Hindi siya makakuha ng lisensya dahil siya na rin mismo ang umamin na hindi siya marunong magmaneho.  Isa pang problema na humahadlang sa pagtupad ng kanyang mga gusto ay ang katotohanan na wala naman pala siyang sasakyan na pagmamay-ari. Kaya naman, hindi niya matupad ang pangarap niyang magmaneho, maglakbay, at kumain kung saan-saan.

Sa bandang dulo ng kanta, maririnig na natigil ang tauhan sa kalsada at nagsasabi ng iba’t-ibang pagkain.  Binabanggit niya ang mga pagkain mula sa iba’t-ibang probinsya dahil wala nga naman siyang magawa dahil hindi gumagana ang sasakyan na kanilang ginagamit sa paglilibot.

Jerson Armada
F2012 

No comments:

Post a Comment